“Lola”
Nakaratay….
dala ng kanyang katandaan at sakit,
naka bilanggo sa madilim at nanlilimahid na silid,
daming mga araw,ang anak nya’y ayaw lumapit,
mga kaibigan,kasama’t kapatid,
walang nais makipag-ulayaw,kahit man lamang isang saglit,
mistulang pasyente na may nakahahawang sakit.
Pinandidirian,nilalayuan,
marahil ay dahil sa mapanghi nyang banig,
ngunit siya….
nananatiling walang imik,
bumubuka ang mga labi’t wala ka namang maririnig.
Ang kaniang pagkain ay laging mapait,
minsan’y walang ulam,kundi kaning lamig,
ilang langaw narin,ang dumapong pilit,
sa pinggang nilalanggam at nanlilimahid.
Oo,itiniwalag siya,
sa kaniang dating mundong marikit,
at ngayon ng tumanda,ay itatapon nalang sa isang silid,
na ang higaan nya’y lumang papag na lumalangitngit,
na nalalatagan ng sanlaksang dusa’t hinagpis.
Hayup! ang anak nyang hindi lamang inisip,
kung sino ang sa kania’y nag-aruga noong siya ay isang paslit,
o bakit sa kaniang ina,ang pag-ibig ay ipinagkait,
at sa ganoong kalagayan siya ay natitiis,
ginawang parang aso,
at sa kwarto’y nakapiit,
iitsahan ng pagkain,
sa may simientong malamig.
Ganoon na lamang ba?
ang pagtrato sa magulang mo’ng matanda?
ni hindi mo mahaplos,
ang kulubot nyang kamay at mukha,
nag bubulag-bulagan ka,
sa katotohanang iyong nakikita,
na ang matanda sa harap mo,
ay iyo ngang kakilala.
Siya ang iyong ina,
oo….
ina mo siya,
ang babae’ng dati’y hinihingan mo ng pera,
takbuhan kung may problema,
ngayon….
kung kailan sya nangangailangan ng kalinga,
saka naman wala.
Oo,naghihintay na lamang siya,
sa hininga nyang malapit nang mapatid,
sa pinaglagyan mong silid,
hanggang sa ang luha nya ay masaid.
Matatapos na rin,
ang mahaba’ng panahong pagtitiis,
sa laksang dusa’t hinagpis,
mula sa kamay ng kaniang anak….
na hindi nakakikita’t
nakaririnig.