“Corruptissima in Repulica Plurimae Leges”

Mahabang panahon ding nagtiis,itong aking bayan,
sa kamay ng mga mapanupil at ganid na dayuhan,
mula pa noong una silang tumuntong,Spolarium

sa paanan ng iyong mga pulo,
na ang layon ay ilatag sa buo mo’ng katawan
ang cristianismong naging larawan
ng isang taong ulol,
baliw at uto-uto.

wari’y pinalitan nila,ang anito’t bathala
ng ating mga ninuno,

ngunit mayroon bang pinagkaiba?

wala!

pinaging mahusay lamang nila ang anitong kahoy,
dinamtan ng magandang uri ng tela,
at pinalamutian ng guinto at pilak,
upang maaliw ang mata,
at sa kania’y sumamba.

Ang Saserdote’y nahalinhan ng Fraile
na may matangos na ilong,
mula sa bahag . . . .
ay naging mahaba ang korto na kaniang sinuot,
na sa baiwang ay may lubid na animo’y sinturon,

pangkabanalan ba?

o pambigti  baga sa kanila’y ayaw sumunod.

Hinigpitan nila ang tanikala sa iyong leeg,
at ikaw ay iginapos.
hilahin,ibaling,saan man nila ibig,
kaya’t ang naging kalagayan mo’y
masahol pa sa basahan,
aba,dukha’t kalunos-lunos,
sakit mo’y lumala,
di masaling! di mahaplos!
kaya’t kasingpait man ng apdo,
ay pilit mong nilunok.

pinilay ang iyong mga paa,
at ikaw’y pilit inilakad lumakad,
at ang pagpapalakad  sa iyo ay patungo sa hukay,
na kinalalagyan ng maraming bangkay.

Ang kalulua mo’y naaagnas,
dahilan sa bulok na sistema ng iyong Pamahalaan!
na ang kutsero ng iyong calesa,
ay mga palalo,
hambog at berdugo.

Na ng tanging layon ay kamkamin
ang iyong pilac at guinto,
magpacasasa sa bango at samyo,
at iiwan ka nalang,
na bulok at mabaho.

Bayan ko!
huag ka nauang mawalan ng pag-asa,
naririnig ko ang iyong hikbi
mula sa kinalalagyan mo’ng selda,
iiyak mo lang ang lahat
ng iyong pighati at pagdurusa,
pakatandaan mo’ng
mayroong bahaghari . . . .
pagkatapos ng isang sakuna.

Leave a Reply