Punong kahoy

Minsan isang araw,binhi ay napunla,
sa amis na harding,may damo’ng sariwa,
ang pagdilig dito’y, ulap sa pagluha,
moog ay buhanging, tinabon sa lupa.

Punla’y nag uhay,sa panahong kay bilis,
dahon ay umusbong,talukap ay nalis,
punla’y sumisigla,sa hanging dalisdis,
katawan’y nahalinhan,sa pagka-nipis.

At nang sa lumaon’y,binhi’y naging ganap,
naging punong kahoy, sa gitna ng lahat,
ang taas ng tindig,ay hindi masukat,
mayabong ang dahon,na walang katulad.

Ibon’y nagsasaya,lahat umaawit,
ibang mga hayop,bunga’y sinusungkit,
dito lumililim,kalabaw sa bukid,
pagod pinapawi, init inaalis.

Puno ay tumanda,sa bawat panahon,
kahoy na sariwa,ngayon ay malutong,
ibon man’y wala, ni kalabaw pag hapon,
hangin ang kasama, ay lagas na dahon.

Sadya’ng kay bilis,lumipas ng panahon,
puno na mayungyong,ngayon ay magatol,
sanga ay natipon, ginawang panggatong,
katawan’y napalis…..
at naging kabaong.    

                                 "Punong kahoy"

                               -Jonas B. San Pedro

Leave a Reply