Archive for September, 2007

“Ang Hiwaga, sa Gabing payapa”

Saturday, September 15th, 2007

Nakatutulig,nakatutulig, sa aking pandinig,
sa sobrang tahimik, ay walang marinig,
pusikit ang kadiliman, di sukat malirip,
nang biglang sa may kuarto…,ang papag ay lumangitngit.

Kumalabog ang pinto’t,nag sara ang bintana,
celedura’y napihit, mula kanan pakaliwa,
para bang lumilindol, doon sa may dambana,
ako nga’y nag usisa’t, inalam ang hiwaga.

Tumunog ang agunyas, at ako’y nangilabot,
kaba sa dibdib ko’y, labas masok labas masok,
ako’y napasigaw.., ng maipit ang buhok,
nawala ang diwa’t, ang ulo’y kinamot.

Nang ako’y lumapit, sa kuarto’ng madilim,
may isang aninong, lumapit sa akin,
pawis ko ay namuo, ang mata ko’y naduling,
nang aking tanglawan, ay puno ng saging.

Dagli ako’ng lumabas, at ako’y nakakita,
ng isang kabayo’ng, may pakpak na pula,
maitim ang binti, ma asul ang mata…
nang aking lapitan…ay DROWING lang pala.

                              "Ang Hiwaga, sa Gabing payapa"

                                  - Jonas B. San Pedro

Punong kahoy

Wednesday, September 12th, 2007

Minsan isang araw,binhi ay napunla,
sa amis na harding,may damo’ng sariwa,
ang pagdilig dito’y, ulap sa pagluha,
moog ay buhanging, tinabon sa lupa.

Punla’y nag uhay,sa panahong kay bilis,
dahon ay umusbong,talukap ay nalis,
punla’y sumisigla,sa hanging dalisdis,
katawan’y nahalinhan,sa pagka-nipis.

At nang sa lumaon’y,binhi’y naging ganap,
naging punong kahoy, sa gitna ng lahat,
ang taas ng tindig,ay hindi masukat,
mayabong ang dahon,na walang katulad.

Ibon’y nagsasaya,lahat umaawit,
ibang mga hayop,bunga’y sinusungkit,
dito lumililim,kalabaw sa bukid,
pagod pinapawi, init inaalis.

Puno ay tumanda,sa bawat panahon,
kahoy na sariwa,ngayon ay malutong,
ibon man’y wala, ni kalabaw pag hapon,
hangin ang kasama, ay lagas na dahon.

Sadya’ng kay bilis,lumipas ng panahon,
puno na mayungyong,ngayon ay magatol,
sanga ay natipon, ginawang panggatong,
katawan’y napalis…..
at naging kabaong.    

                                 "Punong kahoy"

                               -Jonas B. San Pedro

Libro

Tuesday, September 11th, 2007

Walang pakinabang,kung iyong malasin,

sa sulok ang libro’ng,muntik ng amagin,

ni hipo,ni buksan’y,ayaw mong gamitin,

tingin sa sarili’y pantas at magaling.

Di alam ang laman’y,pawang karunungan,

pinaka dalisay,ng isip at kamay,

titik at letra,ay ginawa’ng mahusay,

sino mang bumasa,isip pinapanday.

Ang libro’y pantasya ng mga makata,

dito nga nahilig,mag kwento’t tumula,

dito din nabasa, ang mga dakila,

sa kasaysayan,naguhit at natanda.

Bakit ang libro,ay hindi sisinupin ?

itambak sa sulok, o iyong sipain,

sa iyong pagbasa, ay may matatanim,

na balang araw, ay iyo’ng aanihin.

Ang karunungan mo’y,dito natutuhan,

pakamahalin mo, at iyong ingatan,

di mo ba tanto’ng,ang libro’y naging daan,

ng pag hihimagsik sa mga dayuhan.

                                            ” Libro”

                                    -Jonas B. San Pedro

”Perla Del Mar De Oriente dos mil Siete”

Saturday, September 8th, 2007

Ito’ng aking bansa na tinatahanan,
ay mistulang trapo at isang basahan,
na siyang kumukubli sa dumi’ng dayuhan,
maling gawa nila’y pilit tinatakpan.

Parang asong-ulol na sunod ng sunod,
ang bawat sabihin ang bawat iutos,
sariling tiwala’y pilit nilalagot,
kapangyarihan ng bayan’y nilulublob.

Ang aking teorya’ybayan di aahon,
sino mang mamuno sino mang mang ampon,
ang boto mo’y wala ng silbi sa ngayon,
bansa ko’y paatras at di na susulong.

Ang perlas ng silangan,ngayon ay uling,
buksan ang mata’t sa paligid itingin,
lupang hinirang,duyan "daw" ng magiting?
ngunit sa dayuhan leeg ang pambitin.

Ibon ay kinulong at di nakalipad,
kalayaan’y nalis pinutlan ng pakpak,
pumanaw na Edeng aking nililiyag,
aking minimithing ikaw’y pumayagpag.

                 "Perla Del Mar De Oriente Dos Mil Siete"

                           -Jonas B. San Pedro

Kalikasan

Saturday, September 8th, 2007

Animo ay sutlang-banig ang kawangis,
ng mga talulot,
sa lupa’y kumapit,
ng dahil sa hanging,maglikot ang ibig,
pati na ang hamog,bumagsak ng pilit.

Dinilig ng hamog,ang uhaw na lupa,
na naging dalisay,
sa pagkakahiga,
ngayo’y pawang lunti,damo ay sariwa,
hangin ay malamig,ulap ay mababa.

Halika kalikasan,ako ay iduyan,
himbing na pawiin,
suliranin sa buhay,
ipahinga ang aking,pagal na katawan,
at ang pagdurusa’y aking kalimutan.

Ngunit bakit ngayo’y,unos ang dumaan,
at hindi na hamog,na lubhang kay gaan,
ang uhaw na lupa’y,putik kung pagmasdan,
hangin ay uminit,batis ay naparam.

             *   *   *

Ang kalikasan ay handog ng langit,
kailangang alagaan,
kailangang ipag-sakit,
sa sandaling panahon,siya ay magalit,
ang langit,ang lupa’y,tiyak ang pagsungit.

                                "kalikasan"
                             - Jonas B. San Pedro