Tao

June 21st, 2008 by kepler

Ang tao : kaylaya
kung siya ay mag-isip,

lahat na ng bagay,ay
pinakalilirip,

dinudungkal ang lihim,ng
lupa at himpapawid,

nais pang baguhin,ang
hugis ng daigdig,

lawak ng karagatan,ay
kania ng nasisid,

kulang nalang ay
pumasok,sa loob ng panaginip.

Umalis ka sa larawang
pinag-anyuan sa’yo ng Dios,

inapakan mo ang
pinagmulang,maruming putik at alabok,

ninais mo maging ang
langit,inakyat mo at inarok,

at doon sa kalawakan,isip
mo ang tinuktok,

nguni ikaw ay nabigo,at
nangag himutok,

dahil hindi mo nasilip,na
ang sarili mo’y gawing Dios.

Oo,at nang ikaw nga ay
maging Dios sa lupa mong pangarap,

ang ibon ay ginaya mo,ang
nais mo ay lumipad,

pati nanga mga
bakal,napasisid mo sa dagat,

o sadyang kaylawak na,ang
naabot ng ‘yong utak,

at maging ang mundo mo,ay
muntik mo naring mawasak,

nang dahil sa utak
mo’ng,tinubuan ng pak-pak.

Nang dahil din sa utak mo,nabago ang
kasaysayan,
ang pagguho ng bundok,ikaw rin ang dahilan,
ikaw rin ang
gumawa,ng lason sa katawan,
lason pa sa dagat,lason sa kalikasan.

at
doon!
sa laboratoryo,na ginawa mo’ng timplahan,
ng sanlibro’ng
pormulang,ang hatid ay kamatayan,
o sadyang kaytaas na,ng hawak mong
kapangyarihan,
angkinin mo narin kaya,ang mithiing imortal,
at ang
eksistensia mo,ay magpasawalang-hanggan.

O ngayon,masaya kana,
ikaw na
ang manlilikha,
sa pagiging unggoy mo,
ngayon ay ‘yong idinudura,
at
ang tugon mo :
"sa nanay ko doon ako nagmula,
at doon sa sinasabi mong
Dios na manlilikha,
di naman nakikita’t,di dapat
maniwala."

(bakit?)

Dahil nung minsang ang kalawakan ay hinanapan
mo ng simula,
ikaw nga ay nabigo’t,pag-asa mo ay nawala,
at dahil ng hindi
mo maabot,at wala kang napala,
nangiti ka nalamang,at ikaw ay
natawa,
sapagka’t naramdaman mo’ng isa ka lamang taong aba,
at ang
dalawang paa mo’y,nakatuntong parin sa lupa,
at ikaw nga ay walang magawa. .
.
at doon sa langit,ang kaya mo nalamang ay tumingala.

Bugtong ng Makata

June 18th, 2008 by kepler

Inakalang husay,ay di naakala,
kaliwa’ng inisip,sa kana’t kaliwa,
lupa na nabuo,sa kapwa nya lupa,
simula nung una’y,saan ba nagmula?

Nag-iisip ako,at walang maisip,
pilit mang kutkutin,ay hindi mapilit,
nadinig ang hanging,minsa’y di marinig,
umimik kung minsa’t,minsa’y di umimik.

Hirang na pinili,sa lahat ng hirang,
hagdan nung maakyat,ay hindi nahagdan,
minsan nang umulit,gayahin kung minsan,
inam na kanina,gayong di mainam.

hiningang malalim,ang biglang huminga,
sa likhang taludtod,na aking nalikha,
kalul’wang sumanib,sa kapwa kalul’wa,
gunitang sa akin’y,di ko magunita.

Sukat kong akala,ay aking nasukat,
ang ugat ng pantig,na dagling nag-ugat,
lakad ng sa titik,ay aking nilakad,
sapat na ang yari,gayong di pa sapat.

“Lola”

June 16th, 2008 by kepler

Nakaratay….

dala ng kanyang katandaan at sakit,

naka bilanggo sa madilim at nanlilimahid na silid,

daming mga araw,ang anak nya’y ayaw lumapit,

mga kaibigan,kasama’t kapatid,

walang nais makipag-ulayaw,kahit man lamang isang saglit,

mistulang pasyente na may nakahahawang sakit.

Pinandidirian,nilalayuan,

marahil ay dahil sa mapanghi nyang banig,

ngunit siya….

nananatiling walang imik,

bumubuka ang mga labi’t wala ka namang maririnig.

Ang kaniang pagkain ay laging mapait,

minsan’y walang ulam,kundi kaning lamig,

ilang langaw narin,ang dumapong pilit,

sa pinggang nilalanggam at nanlilimahid.

Oo,itiniwalag siya,

sa kaniang dating mundong marikit,

at ngayon ng tumanda,ay itatapon nalang sa isang silid,

na ang higaan nya’y lumang papag na lumalangitngit,

na nalalatagan ng sanlaksang dusa’t hinagpis.

Hayup! ang anak nyang hindi lamang inisip,

kung sino ang sa kania’y nag-aruga noong siya ay isang paslit,

o bakit sa kaniang ina,ang pag-ibig ay ipinagkait,

at sa ganoong kalagayan siya ay natitiis,

ginawang parang aso,

at sa kwarto’y nakapiit,

iitsahan ng pagkain,

sa may simientong malamig.

Ganoon na lamang ba?

ang pagtrato sa magulang mo’ng matanda?

ni hindi mo mahaplos,

ang kulubot nyang kamay at mukha,

nag bubulag-bulagan ka,

sa katotohanang iyong nakikita,

na ang matanda sa harap mo,

ay iyo ngang kakilala.

Siya ang iyong ina,

oo….

ina mo siya,

ang babae’ng dati’y hinihingan mo ng pera,

takbuhan kung may problema,

ngayon….

kung kailan sya nangangailangan ng kalinga,

saka naman wala.

Oo,naghihintay na lamang siya,

sa hininga nyang malapit nang mapatid,

sa pinaglagyan mong silid,

hanggang sa ang luha nya ay masaid.

Matatapos na rin,

ang mahaba’ng panahong pagtitiis,

sa laksang dusa’t hinagpis,

mula sa kamay ng kaniang anak….

na hindi nakakikita’t

nakaririnig.

“Mi Ultimo Adios de la Pobre busabos”

June 15th, 2008 by kepler

(w/all due respect and apologize to Dr.Jose Rizal)

Adios patria adorada,ang buhay naming kaawa-awa,
perla del mar de oriente,pinutulan na kame ng kurente,
a darte voy felicidad,sa Meralco’y walang pambayad,
tambien por ti la abad,sumabay pa ang maynilad.

En campos nada importa,tumaas na naman ang gasolina,
otros te dan muy eje,pati na daw ang pamasahe,
lo mismo a fuera hombre,pa-discount naman po sa estudyante
dia que el ave entone,wala na ring tinda sa palenke.

Si grana por nuestras,sicuenta na po ang kilo ng bigas,
y alfin buenos diaz,ang kaldero ko’y butas,
vierte la que veas,ako narin kaya ay mandugas,
por huerfanios y viudas,tumulad sa mga hudas.

Fueron el verte un dia,ulam namin’y pinoproblema,
nus suenos de mida vida,nakangisi ang mga buwaya,
nus suenos cuando joven,de cutsilyo,de almasen,
sin seno te greta sin,magdildil nalang ng asin.

Ensueno de mi vida,hindi na kami tumatawa,
en ru que es pollutada,lahat sila ay punyeta,
deja que el sol arriendo,dyosko! kami po’y nahihilo,
entud la espesa yerba,mamatay na sana sila.

Emtonces nada importa,wala na kaming kapera-pera,
constante repitiendo,kay hirap humanap ng trabaho,
no turbes su reposo,ang baba pa ng sueldo,
deja que un ser amigo,patay na raw ang kabayo.

Y alciento tomen puras,Liquified Petroleum Gas,
talves acordes oigas,susmaryosep! tumaas!
no tenga cruz,pasang cruz,tayo nalang ay mag cara y cruz,
aroma luz,de colorez,gutom na po si Dolores.

Querida la Filipinas,gusto ko na po’ng lumayas,
donde la fe un cienas,lupain ng mga hudas,
voy donde dejo todas,lahat na po ay tumataas!
vierte la los llava,pant nalang ang bumababa.

Adios! mga amigos,barberos,todos los santos!
de tu ternura oplos,san miguel de cuatro quantos,
sol nuestros y solos,tayo nalang ay mamalimos,
repitendo ruy villalobos,sa may Epifanio de los Santos.

Adios!
Adios!

“Corruptissima in Repulica Plurimae Leges”

June 14th, 2008 by kepler

Mahabang panahon ding nagtiis,itong aking bayan,
sa kamay ng mga mapanupil at ganid na dayuhan,
mula pa noong una silang tumuntong,Spolarium

sa paanan ng iyong mga pulo,
na ang layon ay ilatag sa buo mo’ng katawan
ang cristianismong naging larawan
ng isang taong ulol,
baliw at uto-uto.

wari’y pinalitan nila,ang anito’t bathala
ng ating mga ninuno,

ngunit mayroon bang pinagkaiba?

wala!

pinaging mahusay lamang nila ang anitong kahoy,
dinamtan ng magandang uri ng tela,
at pinalamutian ng guinto at pilak,
upang maaliw ang mata,
at sa kania’y sumamba.

Ang Saserdote’y nahalinhan ng Fraile
na may matangos na ilong,
mula sa bahag . . . .
ay naging mahaba ang korto na kaniang sinuot,
na sa baiwang ay may lubid na animo’y sinturon,

pangkabanalan ba?

o pambigti  baga sa kanila’y ayaw sumunod.

Hinigpitan nila ang tanikala sa iyong leeg,
at ikaw ay iginapos.
hilahin,ibaling,saan man nila ibig,
kaya’t ang naging kalagayan mo’y
masahol pa sa basahan,
aba,dukha’t kalunos-lunos,
sakit mo’y lumala,
di masaling! di mahaplos!
kaya’t kasingpait man ng apdo,
ay pilit mong nilunok.

pinilay ang iyong mga paa,
at ikaw’y pilit inilakad lumakad,
at ang pagpapalakad  sa iyo ay patungo sa hukay,
na kinalalagyan ng maraming bangkay.

Ang kalulua mo’y naaagnas,
dahilan sa bulok na sistema ng iyong Pamahalaan!
na ang kutsero ng iyong calesa,
ay mga palalo,
hambog at berdugo.

Na ng tanging layon ay kamkamin
ang iyong pilac at guinto,
magpacasasa sa bango at samyo,
at iiwan ka nalang,
na bulok at mabaho.

Bayan ko!
huag ka nauang mawalan ng pag-asa,
naririnig ko ang iyong hikbi
mula sa kinalalagyan mo’ng selda,
iiyak mo lang ang lahat
ng iyong pighati at pagdurusa,
pakatandaan mo’ng
mayroong bahaghari . . . .
pagkatapos ng isang sakuna.

Questionable

October 8th, 2007 by kepler

Nariyan ang isang binata,sukat maningalang pugad,
na halos saidin, ang oras at paghihirap,
mapitas lamang,ang rosas na pangarap,
gagawin ang lahat ng buong pag sisikap.

Rosas na ang kulay,ay simpula ng dugo,
higit sa sampaguita,ang alindog at samyo,
o ang kapalaran’y sadyang mapaglaro,
bakit ba may tinik pa,ang rosas na pinipintuho..

Anu ngayon kung makuha ang puso ng dalaga?
sila kaya’y nasa ulap?
o langit ng ligaya?
at paano naman kapagka sumobra…
magigising na lang ba sa isang silid?
na walang suot ni kamiseta?
o kaya’y bestida?

aba!aba!aba!….ang putang ina!
iyan ba ang itinuro ng puso?
ang guro ng pag-ibig?
    o kayo nga’y mag pigil,
    idamay na ang bibig.

At paano pag nag bunga?
ibuhos sa kubeta?

ilang oras na ligaya,
habang buhay na parusa,
sa mga walang pilak o kwalta,

Eh…paanu kung mariwasa?

Ah..i-abort na lang pala.

Teka,teka,teka,tanong ko’y marami na,
sino ang sasagot?
sino ang huhusga?
ang hukom ba?
na kayang silawin,
ng ginto at pera.

O dili kaya?
kayong nag babasa?

kase…
ang pakikipagtalik ay sa mag-asawa,
at hindi para, sa dalaga at binata,

ano kamo?
gagamit ka nalang ng goma?

                                    "Questionable"

                                 -Jonas B. San Pedro

“Ang Hiwaga, sa Gabing payapa”

September 15th, 2007 by kepler

Nakatutulig,nakatutulig, sa aking pandinig,
sa sobrang tahimik, ay walang marinig,
pusikit ang kadiliman, di sukat malirip,
nang biglang sa may kuarto…,ang papag ay lumangitngit.

Kumalabog ang pinto’t,nag sara ang bintana,
celedura’y napihit, mula kanan pakaliwa,
para bang lumilindol, doon sa may dambana,
ako nga’y nag usisa’t, inalam ang hiwaga.

Tumunog ang agunyas, at ako’y nangilabot,
kaba sa dibdib ko’y, labas masok labas masok,
ako’y napasigaw.., ng maipit ang buhok,
nawala ang diwa’t, ang ulo’y kinamot.

Nang ako’y lumapit, sa kuarto’ng madilim,
may isang aninong, lumapit sa akin,
pawis ko ay namuo, ang mata ko’y naduling,
nang aking tanglawan, ay puno ng saging.

Dagli ako’ng lumabas, at ako’y nakakita,
ng isang kabayo’ng, may pakpak na pula,
maitim ang binti, ma asul ang mata…
nang aking lapitan…ay DROWING lang pala.

                              "Ang Hiwaga, sa Gabing payapa"

                                  - Jonas B. San Pedro

Punong kahoy

September 12th, 2007 by kepler

Minsan isang araw,binhi ay napunla,
sa amis na harding,may damo’ng sariwa,
ang pagdilig dito’y, ulap sa pagluha,
moog ay buhanging, tinabon sa lupa.

Punla’y nag uhay,sa panahong kay bilis,
dahon ay umusbong,talukap ay nalis,
punla’y sumisigla,sa hanging dalisdis,
katawan’y nahalinhan,sa pagka-nipis.

At nang sa lumaon’y,binhi’y naging ganap,
naging punong kahoy, sa gitna ng lahat,
ang taas ng tindig,ay hindi masukat,
mayabong ang dahon,na walang katulad.

Ibon’y nagsasaya,lahat umaawit,
ibang mga hayop,bunga’y sinusungkit,
dito lumililim,kalabaw sa bukid,
pagod pinapawi, init inaalis.

Puno ay tumanda,sa bawat panahon,
kahoy na sariwa,ngayon ay malutong,
ibon man’y wala, ni kalabaw pag hapon,
hangin ang kasama, ay lagas na dahon.

Sadya’ng kay bilis,lumipas ng panahon,
puno na mayungyong,ngayon ay magatol,
sanga ay natipon, ginawang panggatong,
katawan’y napalis…..
at naging kabaong.    

                                 "Punong kahoy"

                               -Jonas B. San Pedro

Libro

September 11th, 2007 by kepler

Walang pakinabang,kung iyong malasin,

sa sulok ang libro’ng,muntik ng amagin,

ni hipo,ni buksan’y,ayaw mong gamitin,

tingin sa sarili’y pantas at magaling.

Di alam ang laman’y,pawang karunungan,

pinaka dalisay,ng isip at kamay,

titik at letra,ay ginawa’ng mahusay,

sino mang bumasa,isip pinapanday.

Ang libro’y pantasya ng mga makata,

dito nga nahilig,mag kwento’t tumula,

dito din nabasa, ang mga dakila,

sa kasaysayan,naguhit at natanda.

Bakit ang libro,ay hindi sisinupin ?

itambak sa sulok, o iyong sipain,

sa iyong pagbasa, ay may matatanim,

na balang araw, ay iyo’ng aanihin.

Ang karunungan mo’y,dito natutuhan,

pakamahalin mo, at iyong ingatan,

di mo ba tanto’ng,ang libro’y naging daan,

ng pag hihimagsik sa mga dayuhan.

                                            ” Libro”

                                    -Jonas B. San Pedro

”Perla Del Mar De Oriente dos mil Siete”

September 8th, 2007 by kepler

Ito’ng aking bansa na tinatahanan,
ay mistulang trapo at isang basahan,
na siyang kumukubli sa dumi’ng dayuhan,
maling gawa nila’y pilit tinatakpan.

Parang asong-ulol na sunod ng sunod,
ang bawat sabihin ang bawat iutos,
sariling tiwala’y pilit nilalagot,
kapangyarihan ng bayan’y nilulublob.

Ang aking teorya’ybayan di aahon,
sino mang mamuno sino mang mang ampon,
ang boto mo’y wala ng silbi sa ngayon,
bansa ko’y paatras at di na susulong.

Ang perlas ng silangan,ngayon ay uling,
buksan ang mata’t sa paligid itingin,
lupang hinirang,duyan "daw" ng magiting?
ngunit sa dayuhan leeg ang pambitin.

Ibon ay kinulong at di nakalipad,
kalayaan’y nalis pinutlan ng pakpak,
pumanaw na Edeng aking nililiyag,
aking minimithing ikaw’y pumayagpag.

                 "Perla Del Mar De Oriente Dos Mil Siete"

                           -Jonas B. San Pedro